Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules na prayoridad na nila ang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa Nobyembre 2026, matapos patunayan ng Supreme Court (SC) ang legalidad ng batas na nagpaliban sa halalan.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, nakatuon na rin sila sa kanilang timeline para sa susunod na taon.
Aniya, sana’y wakasan na ng desisyon ng SC ang mga spekulasyon tungkol sa halalan ng barangay at SK.
Sinabi rin ng Comelec na malapit nang matapos ang pag-imprenta ng opisyal na balota para sa Nobyembre 2026.
Sa kabuuan, 85% o 58,933,937 sa 69,259,342 balota ang nakalimbag. Natitirang i-print ay 10,325,405 balota para sa Central Luzon at NCR.
Para sa SK elections, hindi pa nasisimulan ang pag-imprenta ng 23,498,647 balota.
Anila, nakaimbak pa ang papel sa Sta. Rosa, Laguna habang inaayos ang hauling services.
Noong nakaraang buwan sinimulan ng Comelec ang pag-imprenta ng kabuuang 92,757,989 opisyal na balota. | via Allan Ortega
