Military aircraft ng Turkey na may sakay na 20 katao, bumagsak sa Georgia

Isang Turkish military cargo plane na may sakay na 20 katao ang bumagsak sa Georgia, malapit sa hangganan ng Azerbaijan, nitong Martes, ayon sa mga awtoridad.

Wala pang kumpirmasyon sa bilang ng mga nasawi, ngunit nagpahiwatig sina Turkish President Recep Tayyip Erdogan at mga opisyal ng Georgia at Azerbaijan na may mga nasawi sa insidente.


Batay sa video na lumabas sa mga Turkish news outlet, makikitang pabagsak ang eroplano habang nag-iiwan ng puting usok.

Ayon sa Turkish Ministry of National Defense, nagmula sa Azerbaijan ang C-130 aircraft at pauwi na sana sa Turkey nang mangyari ang aksidente.


Naganap ang pagbagsak sa Sighnaghi municipality ng Georgia, at agad nagsimula ang search and rescue operations.

Wala umanong distress call bago nawala ang komunikasyon sa eroplano ilang minuto matapos pumasok sa airspace ng Georgia.


Ipinahayag ni Erdogan ang kanyang pakikiramay sa mga nasawi, habang nagpadala rin ng condolence messages sina Azerbaijan President Ilham Aliyev at Georgian Foreign Minister Maka Botchorishvili.

Ang C-130 ay karaniwang ginagamit ng Turkish military sa logistics at transport operations, at kilalang simbolo ng malapit na ugnayang militar ng Turkey at Azerbaijan. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *