Pinabulaanan ng isang American storm chaser na si Josh Morgerman ng iCyclone ang paniniwalang pinoprotektahan ng Sierra Madre ang Luzon mula sa mga bagyo.
Sa isang social media post, sinabi niya na marami sa mga Pilipino ang nagkakalat ng misinformation patungkol sa papel ng Sierra Madre tuwing may bagyo sa Pilipinas.
Ayon kay Morgerman, pinapahina ng bulubunduking ito ang bagyo pagkatapos nitong mag-landfall at hindi nito pinoprotektahan ang east coast ng Luzon na karaniwang nakakaranas ng epekto ng ilan sa pinakamalakas na tropical cyclone sa mundo.
Samantala, nilinaw ng Department of Science and Technology (DOST) sa kanilang Facebook post ang nagagawa ng mga bundok na ito.
Ayon sa DOST, nakatutulong ang Sierra Madre bilang panangga sa mga bagyo sa Luzon dahil sa kakayahan nitong pahinain o bagalan ang lakas ng hanging dala ng bagyo lalo na sa hilagang-silangang bahagi ng rehiyon, ngunit hindi ito nagbibigay ng buong proteksyon laban sa matinding epekto ng mga ito.
Dagdag pa ng ahensya, hindi gaano humihina ang bagyo sa unang anim na oras matapos nitong mag-landfall kahit nandoon ang mga kabundukan, at ang Cordillera Mountain Range ang may mas kakayahan na magpahina ng hangin kaysa Sierra Madre.
Ayon naman sa pag-aaral nina Dr. Gerry Bagtasa at Dr. Bernard Alan Racoma na inilathala sa Philippine Journal of Science noong 2023, mas malawak ang pinsalang dulot ng malubhang pag-ulan at pag-baha kaysa sa hanging dala ng bagyo.
November 8 nang magtungo sa bansa ang American storm chaser na si Morgerman para masaksihan ang hagupit ng Bagyong Tino. | via Andrea Matias, D8TV News
