Mahigit 312 na pampublikong paaralan ang napinsala ng Bagyong Uwan, ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Education (DepEd).
Pinakaapektado ang Bicol at CALABARZON.
Batay sa situation report ng DepEd DRRMS ngayong araw, naitala ang 1,182 na silid-aralan ang bahagyang napinsala, 366 naman ang malubha ang pinsala at 261 ang tuluyang nasira.
Patuloy pang bineberipika ang mga report mula sa mga rehiyon at dibisyon.
Tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara na prayoridad ng ahensya ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, at ang pagpapatuloy ng pag-aaral kapag ligtas na ang panahon.
Kabilang sa may pinakamaraming pinsala ang Bicol, CALABARZON, at Cordillera, kung saan libo-libong residente ang inilikas dahil sa pagbaha at pagkawala ng kuryente.
Kasabay nito, 5,572 classrooms sa 1,072 paaralan sa 11 rehiyon ang pansamantalang ginawang evacuation centers.
Naglaan ang DepEd ng ₱20.2-M para sa clearing at cleanup at ₱57.9-M para sa minor repairs.
Dagdag ito sa kasalukuyang shortage na higit 140,000 classrooms sa buong bansa.
Naantala umano ang mga proyekto ng DPWH, na mula 2018 ay may exclusibong kontrol sa pagpapatayo ng mga paaralan at umaabot ng tatlong taon ang paggawa ng isang silid-aralan na nagkakahalaga ng hanggang ₱3.8M bawat isa. | via Allan Ortega
