Ipinag-utos na ng Department of Transportation (DOTr) nitong Lunes, November 10, ang agarang pagsusuri sa tulay ng Philippine National Railways (PNR) sa Albay na nasira dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Uwan, matapos atasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang pagkukumpuni nito.
Ayon sa DOTr, nagtamo ng structural damage ang tulay na nagdurugtong sa San Rafael at Maipon sa Guinobatan, Albay noong Nobyembre 9.
Nakaantabay na ang mga PNR engineer at sisimulan ang inspeksyon kapag ligtas na ang panahon at sitwasyon.
Dahil sa pinsala, pansamantalang suspendido ang biyahe ng PNR sa rutang Naga–Legazpi, na humigit-kumulang 400 pasahero ang sumasakay kada araw.
Para matulungan ang mga commuter, magpapalabas ang DOTr ng direktiba sa LTFRB para magdeploy ng karagdagang pampublikong sasakyan sa lugar.
Magsasagawa rin ng masusing inspeksyon ang PNR sa buong Bicol commuter train route upang matiyak na walang iba pang istruktura ang napinsala.
Magbibigay ng karagdagang update ang DOTr at PNR kapag kumpleto na ang assessment at repair plan. | via Allan Ortega
