Isinara pansamantala ang bahagi ng Katipunan Service Road southbound sa Quezon City matapos bumagsak ang isang electronic billboard na nakakabit sa isang condominium dahil sa malalakas na hangin mula sa Super Typhoon Uwan.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Lunes, Nobyembre 10, isinara sa mga motorista ang bahagi mula Xavierville Avenue hanggang Aurora Boulevard intersection.
Dalawang tao ang nasugatan matapos tumilapon ang side panel ng billboard sa service road bandang alas-9 ng umaga. Agad namang rumesponde ang mga emergency personnel at nilagyan ng harang ang lugar para maiwasan ang karagdagang insidente.
Sa mga sasakyang dadaan sa southbound ng Katipunan ay idinadaan sa Xavierville Avenue o Katipunan flyover at para naman sa mga papuntang Marcos Highway, pinapayuhang mag-U-turn bago makarating sa B. Serrano Avenue.
Nakipag-ugnayan na ang MMDA sa pamahalaang lungsod ng Quezon City para sa clearing at inspection upang masiguro ang kaligtasan bago muling buksan ang kalsada. | via Allan Ortega
