Malawakang korapsyon sa flood control, ikinalungkot ng dating kalihim ng DPWH

Ikinadismaya ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) Commissioner Rogelio Singson ang nangyaring malawakang korapsyon sa flood control projects.

Ayon kay Singson, hindi ito mangyayari kung wala ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakikipagsabwatan sa umano’y anomalya.

Ibinunyag din niya na umabot sa P1.7 trillion ang halaga ng mga proyekto ng flood control mula 2016 hanggang 2025.

Kung naisagawa lamang umano nang maayos ang mga proyekto, aabot lamang sa P800-B hanggang P900-B ang magagastos dito.

Aniya pa, orihinal na nakalaan ang pondo nito sa Flood Control Masterplan para sa 18 major river basins sa bansa na tutugon sa panganib ng baha.

Sa ngayon, inirekomenda ng ICI sa Ombudsman ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga dating opisyal ng DPWH kabilang sina Manuel Bonoan, Roberto Bernardo, Maria Catalina Cabral, dating District Engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez, Jaypee Mendoza at 5 iba pang tauhan ng ahensya.

Matatandaan na naging kalihim din ng DPWH si Singson sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong 2010 hanggang 2016. | via Alegria Galimba

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *