Nagpaalala sa publiko si Philippine National Police (PNP) acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na igalang ang opisyal na uniporme ng pulis matapos mag-viral ang larawan ng isang sibilyan na nagsuot ng PNP uniform na punit ang manggas bilang Halloween costume.
Maraming netizens at pulis ang umalma sa ginawa.
Ayon kay Nartatez, ang uniporme ay simbolo ng serbisyo, sakripisyo, at integridad, kaya hindi dapat gawing costume o biro.
Iniimbestigahan na ng CIDG ang insidente dahil posibleng lumabag ito sa Article 179 ng Revised Penal Code bawal ang ilegal na paggamit ng uniporme at insignia ng mga awtoridad.
Tutukuyin din ng imbestigasyon kung saan nakuha ng partygoer ang uniporme.
Inutusan ni Nartatez ang mga unit na habulin ang mga ilegal na nagbebenta ng police uniforms, pati na ang Anti-Cybercrime Group na bantayan ang mga online posts na nag-aalok ng mga ito.
Ipinresenta na ang nasabing sibilyan, si Daryll Isidro, na humingi ng tawad sa publiko.
Tinanggap ni Nartatez ang paghingi ng sorry ngunit iginiit niyang kailangan pang turuan ang publiko sa respeto sa mga simbolo ng awtoridad.
Dagdag ng PNP, malayo na ang narating nila sa pag-angat ng imahe ng kapulisan may kasunduan pa nga sila sa movie industry sa tamang paggamit ng police uniforms sa TV at pelikula.
Paulit-ulit din ang kanilang paalala sa mga magulang na huwag gamitin ang pulis panakot sa bata, para mas mapalapit ang komunidad sa kapulisan. | via Allan Ortega
