Tinanggihan ng San Juan Regional Trial Court ang paunang kahilingan ni Senador Jinggoy Estrada para sa isang Temporary Restraining Order (TRO) laban kay dating Bulacan Assistant Engineer Brice Hernandez, ayon sa isang abogado nitong Lunes.
Ayon sa legal counsel ni Hernandez na si Atty. Ernest Levanza, ito ay kaugnay sa injunction case na isinampa ni Estrada sa San Juan RTC Branch 160.
Nilinaw ni Levanza na ang TRO ay para pigilan si Hernandez sa pagpataw ng mga alegasyon laban kay Estrada kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects sa bansa.
Ipinaliwanag niya na patuloy pa rin umuusad ang kaso at ang tinanggihan lamang ang paunang kahilingan ni Estrada.
Itinakda ng korte ang pagdinig sa aplikasyon ni Estrada para sa writ of preliminary injunction sa Nobyembre 12, alas-9:30 ng umaga. | via Anne Jabrica
