Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) tungkol sa isang uri ng cyberattack na tinatawag na Distributed Denial of Service (DDoS) sa darating na Miyerkules, Nobyembre 5.
Sa isang Facebook post nitong Linggo, Nobyembre 2, inihayag ng DICT na kanilang mino-monitor ang posibleng Distributed Denial of Service (DDoS) o “traffic flood” attack na naglalayong sirain ang mga web server.
Ang DDoS ay parang trapik sa internet na sabay-sabay na dinadagsa ng mga hacker ang isang website o app, kaya hindi ito magagamit nang maayos.
Dahil dito, inihayag ng DICT na posibleng bumagal o hindi agad mag-load ang ilang websites o apps.
Ayon sa ahensya, hindi ito itinuturing na data breach at walang personal na account, data, o pera ang maaring manakaw.
Pinayuhan ng DICT ang publiko na kumalma at subukan na buksan muli ang website o app pagkatapos ng ilang minuto.
Gamitin ang official app o status page at sundan ang mga verified updates.
Ipinapaalala rin ng ahensya na huwag sumali sa anumang illegal online activities. | via Anne Jabrica
