Villanueva, Estrada muling itinanggi ang pagkakasangkot sa kontrobersya sa flood control scam

Mariing itinanggi ni Sen. Joel Villanueva noong Miyerkules ang kanyang pagkakasangkot sa umano’y kontrobersiyang flood control projects, at sinabing mapatutunayan ng mga rekord at testimonya ang kanyang pagiging inosente.

Ayon sa kanya, hindi pa niya natatanggap ang referral ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman na nagrerekomenda ng kasong kriminal at administratibo laban sa kanya, kay Sen. Jinggoy Estrada, at kay dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co dahil sa pinaghihinalaang ghost projects.


Giit ni Villanueva, mula’t sapol ay tutol na siya sa mga flood control project na hindi naman naipapatupad, at iginiit na mismong dating District Engineer Henry Alcantara ang nagsabing wala siyang kinalaman dito. “Sa tamang panahon, mapapatunayan ang aking pagiging inosente,” aniya.


Sa hiwalay na pahayag, iginiit din ni Estrada na hindi siya tumanggap ng anumang pondo at tinawag na “hearsay” ang mga paratang. Handang-handa umano siyang dumaan sa legal na proseso.


Samantala, tumanggi si Senate President Vicente Sotto III na magbigay ng tiyak na pahayag sa magiging aksyon ng Senado sakaling umusad ang kaso, at iginiit na dapat sundin ang due process at protektahan ang karapatan ng mga indibidwal at institusyon. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *