Inihayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na mas malawak na imbestigasyon sa korapsyon ang aasahan sa pagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee sa Nobyembre, kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.
May “very important witness” daw na maglalantad ng mas malalaking pangalan. Kasama rin sa ipapatawag sina Orly Guteza, dating kongresista Zaldy Co, at dating Speaker Martin Romualdez.
Kaugnay nito, sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na posibleng bawasan ng Senado ng humigit-kumulang ₱80 bilyon ang 2026 budget ng DPWH dahil sa mga overpriced, duplicate, at di-makatwirang proyekto.
Inatasan ng Senado ang ahensya na ayusin at beripikahin ang natitirang 148 proyekto bago Oktubre 31.
Samantala, muling binanatan ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson ang administrasyong Marcos, sinasabing ito raw ang “pinakamalaking corruption scheme” sa kasaysayan, kaugnay ng flood control funds.
Giit niya, sa kabila ng halos ₱500 bilyong pondo at libo-libong proyekto, lumala pa ang pagbaha.
Nanawagan naman ang National Wage Coalition na pabilisin ang imbestigasyon at papanagutin ang lahat ng sangkot kahit gaano kataas ang posisyon para tuluyang mapanagot ang mga tiwali sa gobyerno. | via Allan Ortega
