Nagkasundo na sa prinsipyo ang Pilipinas at Japan sa isang bagong defense pact na magpapahintulot sa dalawang bansa na magpalitan ng suplay at serbisyo sa kanilang mga sandatahang lakas.
Ipinahayag nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at bagong Japanese Prime Minister Takaichi Sanae ang kanilang pagtanggap sa kasunduan sa kanilang unang bilateral meeting nitong Oktubre 26 sa sidelines ng 47th ASEAN Summit sa Kuala Lumpur.
Ang kasunduang tinatawag na Acquisition and Cross-Servicing Agreement (ACSA) ay magpapadali sa koordinasyon at pagbahagi ng resources sa mga military exercises, humanitarian missions, at iba pang operasyon. Nagsimula ang negosasyon nito noong Abril.
Kasunod ito ng pagpapatupad noong Setyembre ng Reciprocal Access Agreement (RAA), na nagpapahintulot sa troop deployments ng parehong bansa para sa joint drills at disaster relief, gaya ng ginawang pagdadala ng relief goods sa Cebu matapos ang lindol.
Ayon sa Japan Ministry of Foreign Affairs, parehong lider ang sumang-ayon na palakasin pa ang seguridad at katatagan sa rehiyon.
Binigyang-diin ni Marcos na ang ugnayang pangdepensa sa Japan at ang Philippines–US–Japan trilateral cooperation ay “haligi ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.”
Nangako naman si Takaichi ng patuloy na suporta ng Japan sa ekonomiya at imprastruktura ng Pilipinas kabilang ang tulong sa food security, energy cooperation, at civil nuclear collaboration.
Nagpasalamat si Marcos sa tuloy-tuloy na development assistance ng Japan at hiniling na palawakin pa ang kooperasyon sa labas ng official aid.
Parehong bansa ang nangakong magpapatuloy sa malapit na koordinasyon sa mga isyung internasyonal tulad ng South China Sea, North Korea, Myanmar, at Cambodia-Thailand border habang naghahanda ang Pilipinas bilang chair ng ASEAN sa 2026, kasabay ng ika-70 anibersaryo ng ugnayang diplomatiko ng Japan at Pilipinas. | via Allan Ortega
Pilipinas at Japan, nagkasundo para sa logistic support
