DILG nagbabala sa gitna ng pag-aalboroto ng Taal at Kanlaon

Pinayuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng lokal na pamahalaan at residente malapit sa Bulkang Taal at Kanlaon na manatiling alerto dahil sa patuloy na pag-aalburuto ng mga bulkan.

Inatasan ng DILG ang mga LGU na i-activate ang kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs), maghanda ng mga supply para sa emergency, at tiyaking ligtas at handa ang mga evacuation center. Patuloy ding makipag-ugnayan sa PHIVOLCS at mga lokal na awtoridad.

Matapos ang pagputok ng Bulkang Kanlaon noong Oktubre 24, nananatili ito sa Alert Level 2 senyales ng katamtamang pag-aalburuto at posibilidad ng panibagong pagbuga ng abo o maiikling pagsabog. Pinapaalalahanan ang mga residente sa loob ng 4-kilometrong Permanent Danger Zone na lumikas, at maging alerto ang mga nasa loob ng 6-kilometrong radius.

Samantala, naglabas din ng hiwalay na abiso ang DILG sa mga lokal na opisyal ng Batangas at Cavite matapos ang dalawang phreatomagmatic eruptions ng Bulkang Taal nitong Linggo. Ipinagbawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island, partikular sa Main Crater at Daang Kastila fissure.

Hinimok din ang mga LGU na maghanda laban sa posibleng pagtaas ng sulfur dioxide at ipatupad ang mga hakbang pangkalusugan. Pinayuhan ang publiko na magsuot ng N95 mask, iwasang malantad ang mata sa abo, at uminom ng sapat na tubig.

Pinaalalahanan din ang mga sambahayan na maghanda ng Go Bag na may tubig, pagkain, proteksyon, damit, first aid kit, at gamot.

“Panatilihin natin ang pagiging alerto, handa, at nagkakaisa para sa kaligtasan ng ating mga pamilya at komunidad,” ayon sa DILG. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *