Matapos ang rollback noong nakaraang linggo na pansamantalang nagpahinga sa dalawang buwang sunod-sunod na taas-presyo, muling haharap ang mga motorista sa malaking pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo simula Martes, October 28.
Ayon sa mga kompanya ng langis tulad ng Shell, Seaoil, CleanFuel, at PetroGazz, tataas ng ₱1.20 kada litro ang gasolina, ₱2.00 kada litro ang diesel, at ₱1.70 kada litro ang kerosene mas mataas pa sa inaasahan ng industriya noong nakaraang linggo.
Paliwanag ng Department of Energy (DOE), sanhi ito ng bagong parusa ng Estados Unidos laban sa pinakamalaking kompanya ng langis ng Russia, bilang bahagi ng pressure para sa kasunduan sa kapayapaan sa Ukraine. Dahil dito, lalong kumitid ang supply ng langis sa pandaigdigang merkado, na nagtaas ng presyo kahit may inaasahang dagdag-produksyon mula sa OPEC.
Dagdag pa rito, ang patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan dahil sa marupok na tigil-putukan ng Israel at Hamas ang nagdulot ng pangamba sa merkado.
Sa Metro Manila, bago ang taas-presyo, ganito ang average retail rates:
• Gasolina (RON97/100): ₱68.37
• Gasolina (RON95): ₱59.95
• Gasolina (RON91): ₱55.40
• Diesel: ₱54.75
• Kerosene: ₱75.82
Sa kabuuan ng 2025, umabot na sa ₱16.50 kada litro ang dagdag sa gasolina, ₱19.15 sa diesel, at ₱6.55 sa kerosene patuloy na pasakit sa mga motorista kahit hindi pa dumarating ang holiday season. | via Allan Ortega
Tataas ng ₱2 ang presyo ng diesel, at ₱1.20 naman sa gasolina
