Namahagi si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng 71 patient transport vehicles (PTV) mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga lokal na pamahalaan sa Caraga Region ngayong araw.
Ang pamamahagi na ito ay pinangunahan ni PCSO Assistant General Manager Remeliza Jovita Gabuyo, bilang kinatawan ni PCSO General Manager Mel Robles, sa Butuan Sports Complex kung saan personal na iniabot ni Pangulong Marcos ang mga susi sa mga opisyal ng Agusan del Norte, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Dinagat Islands, Davao de Oro, Davao Oriental, Butuan City, at Bonifacio, Misamis Occidental.
Ayon kay Marcos, kumpleto na sa gamit ang bawat unit kung saan may stretcher, oxygen tank, wheelchair, first aid kit, blood pressure monitor, at mga gamot para sa agarang tugon sa emergency. Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang 158 PTVs na ipinamahagi ng PCSO sa Provincial Capitol Grounds, Amas, Kidapawan City.
Kaugnay nIto, kabilang ito sa pangunahing programa ng PCSO na maihatid nang ligtas sa pamamagitan ng mabilis na transportasyon ang mga pasyente sa pinakamalapit na pagamutan.
Samantala, patuloy ang ahensiya sa pagpapalawak ng inklusibong serbisyong pangkalusugan sa ating mamamayan, sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na ilapit sa mga Pilipino ang mga serbisyo ng pamahalaan.
Sa ngayon, umabot na sa 1,540 ambulansya ang naipamahagi katumbas ng 89% coverage sa lahat ng lungsod at bayan sa bansa. May inilaan pang ₱1 bilyon ang PCSO para sa 395 pang PTV. | via Ghazi Sarip
