Bumaba na ang bilang ng prank calls na natatanggap ng 911 Hotline.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), malaking tulong dito ang isinagawang system update na mas pinahusay ang operasyon ng pambansang emergency hotline.
Kung problema noon ang walang saysay na mga tawag na nagiging sagabal sa mga tunay na emergency, ngayon unti-unti nang nababawasan ang mga prank callers matapos isagawa ang bagong Sistema Ani DILG Secretary Jonvic Remulla.
Sa datos ng DILG, mula Setyembre 8 hanggang 24, umabot sa mahigit 872,000 tawag ang kanilang narespondehan na may 98.62 percent efficiency rate.
Sa kabuuang bilang, 1,495 tawag lamang ang napatunayang prank calls habang mahigit 12,000 naman ang dropped o abandoned.
Isa sa mga bagong feature sa sistema ay ang geolocation system, kung saan natutukoy agad ng mga operator kung saan nanggagaling ang tawag. Dahil dito, mas nagiging epektibo ang tugon sa mga totoong insidente at nagdadalawang-isip na rin ang mga mahilig magbiro sa gitna ng emergency.
