Pinawalang-sala ng Sandiganbayan si dating Senate President at kasalukuyang Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa natitira nitong mga kasong graft kaugnay ng umano’y paglihis ng P172.8 milyon sa pork barrel funds.
Kasama ring naabsuwelto ang dating chief of staff ni Enrile na si Jessica Lucila “Gigi” Reyes at negosyanteng Janet Lim Napoles sa 15 kaso ng graft, matapos ideklarang nabigo ang prosekusyon na patunayan ang kanilang pagkakasala “beyond reasonable doubt.”
Ang PDAF o pork barrel scam ay sumiklab noong 2013 matapos ibunyag ang maling paggamit ng pondo ng mga mambabatas para sa mga “ghost projects.”
Ayon sa kaso, ang pondo ni Enrile mula 2004 hanggang 2010 ay umano’y napunta sa mga pekeng NGO ni Napoles kapalit ng kickbacks.
Naabsuwelto na rin si Enrile sa plunder case noong Oktubre 4, 2024, matapos sabihing walang sapat na ebidensya na tumanggap siya ng hindi bababa sa P50 milyon, ang itinakdang halaga para sa plunder.
Magkahiwalay ding napatunayang inosente sina Ramon “Bong” Revilla Jr. at Jinggoy Estrada sa kani-kanilang PDAF cases. | via Allan Ortega
