Pagkamatay ni Gene Hackman at asawa niya hindi pa tukoy ang dahilan

Si Gene Hackman, isang kilalang aktor na nanalo ng dalawang Oscars sa mahigit 60 taon ng kanyang career, ay pumanaw sa hindi pa matukoy na dahilan kasama ang kanyang asawang si Betsy Arakawa, isang pianista, at ang kanilang aso sa kanilang tahanan sa Santa Fe, New Mexico. Ayon sa pulisya, natagpuan ang 95-taong gulang na aktor at ang kanyang 64-taong gulang na asawa sa magkahiwalay na kwarto noong Miyerkules ng hapon (Pebrero 27).
Walang palatandaan ng foul play, ngunit nagsasagawa ng masusing imbestigasyon, kabilang ang autopsy at toxicology tests. Natuklasan ng isang maintenance worker ang bukas na pinto ng bahay, ngunit walang senyales ng sapilitang pagpasok o gas leak. Sa loob, nakita si Hackman sa kusina, habang si Arakawa at ang aso ay nasa banyo, kung saan may nakakalat na gamot mula sa isang bukas na bote. Wala namang nakitang palatandaan ng pisikal na pananakit.
Si Hackman, isang dating Marine na kilala sa kanyang matining na boses, ay lumabas sa mahigit 80 pelikula at nagkaroon ng mahabang karera sa pelikula, telebisyon, at teatro mula noong 1960s. – via Allan Ortega | Photo via starsinsider.com

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *