Inanunsyo ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na pormal siyang hihiling kay Senate President Vicente Sotto III na ipatupad ang dismissal order laban kay Sen. Joel Villanueva, isang kautusang inilabas pa noong 2015 ngunit hindi kailanman naisakatuparan.
Sinabi ni Remulla na isusumite niya ang liham kay Sotto upang ipatupad ang utos ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales.
Noong 2015, ipinag-utos ang dismissal ni Villanueva dahil sa grave misconduct, serious dishonesty, at conduct prejudicial to the interest of the service kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱10 milyon mula sa PDAF noong 2008, habang siya pa ay kinatawan ng CIBAC party-list.
Ang pondo, na dapat sana’y para sa mga proyekto sa agrikultura, ay napunta umano sa pekeng NGO na may mga huwad na dokumento at beneficiary isang “ghost project.”
Ayon kay Remulla, hindi ito naipatupad ng Kamara o Senado noon, dahilan para manatili sa puwesto si Villanueva sa kabila ng umiiral na dismissal at disqualification order.
Giit ni Remulla, kailangang linawin ng Korte Suprema kung awtomatikong dapat ipatupad ng Kongreso ang mga desisyon ng Ombudsman laban sa mga mambabatas.
“Hindi pwedeng mas mababa ang kapangyarihan ng Ombudsman kaysa sa mga alituntunin ng Senado o Kamara,” aniya.
Dagdag pa rito, nasasangkot din si Villanueva sa umano’y flood control kickback sa Bulacan, matapos ihayag ng ilang dating inhenyero na nakatanggap umano ang senador ng 30% komisyon mula sa mga proyekto sa lalawigan.
Samantala, inilabas naman ni Senator Joel Villanueva ang kanyang clearance mula sa Ombudsman at Sandiganbayan kung saan nakasaad na walang nakabinbin na anumang kaso laban sa kanya.
Matapos ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na bubuhaying muli ang 2016 dismissal order laban sa senador na inisyu ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales. | via Allan Ortega
