Muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Martes ang pagtutok ng gobyerno sa paglilinis ng burukrasya upang masiguro na karapat-dapat sa tiwala ng publiko ang bawat lingkod-bayan.
Sa kanyang talumpati sa 2025 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos awarding ceremony sa Malacañang, inamin ng Pangulo na mahirap at masakit ang laban kontra katiwalian, pero “worth it” dahil ginagawa ito para sa kinabukasan ng mga anak at sa bansang maipagmamalaki ng bawat Pilipino.
Iginawad ni Marcos mismo ang Medallion of Excellence sa 10 natatanging Pilipino apat na guro, tatlong sundalo, at tatlong pulis bilang pagkilala sa kanilang tapat na serbisyo.
Bilang tugon sa tanong kung mapagkakatiwalaan pa ba ang gobyerno, itinuro ni Marcos ang mga ginawaran bilang patunay na “hindi nawawala ang pag-asa, buhay pa ang integridad, at nananatili ang dangal ng pagiging Pilipino.”
Dagdag niya, “Bawat tapat na guro, sundalo, at pulis ay panalo laban sa korapsyon at pagkukunwari sa lipunan.”
Ang seremonya ay ginanap kasabay ng ika-40 anibersaryo ng Metrobank Foundation Outstanding Filipinos program. | via Allan Ortega
