1,700 target na silid-aralan, 22 pa lang ang natatapos

Maaaring bawasan ng mahigit kalahati ang budget ng DPWH matapos matuklasan sa Senado ang libo-libong “red-flagged” o kuwestiyonableng proyekto na aabot sa ₱348 bilyon.

Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, may mga proyekto raw na overpriced ng higit 1,000%, habang daan-daang iba pa ay walang malinaw na lokasyon o doble-doble sa listahan.

Kasabay nito, binatikos ni Sen. Bam Aquino ang napakabagal na pagpapatayo ng mga silid-aralan 22 lang sa target na 1,700 ang natapos ngayong taon. Dahil dito, isinusulong niyang ilipat sa mga LGU ang pondo para sa pagpapatayo ng mga paaralan.

Sumang-ayon si DPWH Secretary Vince Dizon sa mungkahi at umamin na may malawakang overpricing sa ilang rehiyon, lalo na sa presyo ng bakal at semento. Ipinangako niyang lilinisin ang listahan ng proyekto at maglalabas ng mga bagong patakaran laban sa labis na singil.

Samantala, iminungkahi naman nina Sen. Loren Legarda at JV Ejercito ang 25–30% budget cut sa DPWH at ang reallocation ng ₱250 bilyong flood control fund sa mas malalaking proyekto tulad ng mga floodway at dam.

Sa gitna ng mga batikos, iginiit ng Malacañang na hindi lahat sa DPWH ay tiwali, at tututukan nila ang paglilinis ng ahensya sa halip na ito’y buwagin. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *