Labi ng Pilipinong nasawi sa pag-atake ng Houthi rebels, naiuwi na

Naiuwi na sa bansa ang labi ng Pilipinong marinong nasawi sa pag-atake ng mga Houthi rebels sa barkong M/V Minervagracht noong Setyembre, matapos ang dalawang linggong paghahanap.

Kasabay nito, ang dalamhati na naramdaman ng pamilya at mga kasamahang seafarer. Ayon sa Department of Migrant Workers, ang labi ng nasawing marino ay dadalhin muna sa Iligan bayan ng kanyang asawa bago ihatid sa Zamboanga del Sur kung saan naghihintay ang kanyang mga magulang.

Tiniyak ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang masusing imbestigasyon laban sa manning agency at foreign principal ng barko. Kapag mapatunayang may paglabag, posibleng masuspinde o mabawi ang kanilang accreditation, lalo na’t bawal ang pagpapadala ng mga Pilipinong marino sa mga delikadong lugar gaya ng Gulf of Aden at Red Sea.

Nasa ligtas na kalagayan naman ang sampung kasamahan ng biktima na unang nakauwi noong Oktubre a-4 at nakatanggap ng ₱75,000 tulong mula sa DMW AKSYON Fund.

Tiniyak naman ni Secretary Cacdac na mananagot ang sinumang lumabag sa patakaran, habang patuloy na ipinaglalaban ng DMW ang karapatan at kaligtasan ng mga Pilipinong marino. | via Ghazi Sarip

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *