Nangako si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na ipo-promote ang libu-libong empleyado sa loob ng ahensya.
Sa flag ceremony ng DPWH, inanunsyo ni Dizon na nasa 2,000 bakanteng posisyon sa loob ng ahensya ang dapat mapunan kasama na ang mga regional at district offices sa buong bansa.
Ayon kay Dizon, ipaprayoridad nila ang mga empleyadong naging tapat sa kanilang pagtatrabaho kabilang ang mga job order employees.
“Gusto ko pong mag-promote at mag-angat. Unang-una, iangat muna natin ang mga deserving, honest, hardworking people already in DPWH kasama na po ang mga job order employees natin ngayon. Hindi porket job order kayo nang napakatagal na panahon, e wala kayong karapatan at oportunidad para umangat. Kayo po ang uunahin natin,” ani Dizon.
Dagdag pa ng kalihim, maglalatag sila ng sistema kung paano at ano ang kwalipikasyon sa pagpo-promote na ilalabas sa mga susunod na linggo.
Bukod dito, nangako rin si Dizon na hindi na made-delay ang sahod ng mga empleyado ng ahensya.
Tiniyak ng kalihim na sa loob ng pitong araw mula sa cut-off ay maibibigay na ang sweldo sa mga kawani ng DPWH.
Samantala, hinimok naman ni Dizon ang mga empleyado na magsumbong sa kanya sakaling hindi sila maswelduhan nang tama o sa takdang oras. | via Alegria Galimba
