Naniniwala si dating Senator Richard Gordon na hindi sana nangyari ang kontrobersyal na multi-billion peso procurement ng Pharmally kung hindi naging “enabler” noon si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Gordon, si Duterte ang nag-utos, nag-appoint, at nagprotekta sa mga sangkot, pati na ang nagbanta sa Senado habang iniimbestigahan ang isyu.
Dagdag pa niya, nagsimula umano ang lahat sa ugnayan ni Duterte kay dating Economic Adviser Michael Yang at sa mabilis na bidding process dahil wala umanong nagbabantay.
Sa kabila nito, ikinatuwa naman ni Gordon ang hakbang ni bagong Ombudsman Jesus Crispin Remulla na muling buksan ang imbestigasyon sa umano’y overpriced PPEs at face masks na nagkakahalaga ng P4.4 bilyon.
Ayon kay Gordon, nakipagpulong na siya kay Remulla at susuportahan niya ang masusing imbestigasyon.
Pinuri din niya ang determinasyon ng Ombudsman na labanan ang korapsyon.
Nauna nang sinabi ng dating Ombudsman na labag sa batas ang paglipat ng P41 bilyon ng Department of Health (DOH) sa PS-DBM para sa pandemic supplies.
