LPA sa loob ng PAR naging tropical depression, itinaas na ang Signal No. 1

Nabuo na ang low-pressure area sa loob ng Philippine Area of Responsibility bilang Tropical Depression Ramil, ang ika-18 bagyo sa bansa ngayong taon, ayon sa PAGASA ngayong Biyernes.


Ang bagyong Ramil ay huling namataan sa layong 1,155 km silangan ng Southeastern Luzon, taglay ang hanging 45 kph malapit sa gitna at bugsong hanggang 55 kph, habang mabagal na kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran.


Itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa mga bahagi ng Quezon (Tagkawayan), Camarines Norte, Catanduanes, Camarines Sur, Albay, at ilang bahagi ng Sorsogon tulad ng Donsol, Pilar, at Sorsogon City.


Inaasahang kikilos si Ramil pa-kanluran hanggang Sabado, bago tumungo pa-kanluran-hilagang kanluran patungong Central at Southern Luzon.


Asahan ang maulap na kalangitan at kalat-kalat na ulan na may pagkidlat at pagkulog sa Catanduanes, Albay, Sorsogon, Northern Samar, at Eastern Samar dahil sa trough ni Ramil.


Samantalang sa Metro Manila, Calabarzon, Cagayan, Isabela, Bulacan, Aurora, Mindoro, Marinduque, Romblon, Bicol Region, at Visayas ay makakaranas din ng mga pag-ulan dulot ng easterlies.


Sa Batanes at Babuyan Islands, bahagyang maulap na may pag-ambon; at sa Mindanao, asahan ang mga panandaliang ulan at pagkulog dahil sa localized thunderstorms. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *