Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkules na handa siyang ilantad sa publiko ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) kasunod ng desisyon ng Office of the Ombudsman na ibalik ang full public access sa nasabing dokumento.
Ayon kay Marcos, pabor siya sa pagbabalik ng “lumang patakaran” na nagpapadali sa publiko at media na makakuha ng kopya ng SALN ng mga opisyal bago ito higpitan noong administrasyong Duterte.
“We’ll follow the old rules,” ani Marcos, na nagsabing nagulat siya nang malaman na halos imposibleng makakuha ng SALN noong siya’y unang maupo bilang pangulo.
Ikinatuwa rin niya ang hakbang ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na alisin ang dating restriksyon, at tiniyak niyang susunod siya sa anumang panuntunang itatakda.
Tiniyak ng Pangulo na magiging bukas sa publiko ang kanyang SALN at inanyayahan ang sinumang gustong kumuha nito. Nang tanungin kung hihikayatin din niya ang kanyang Gabinete, sagot niya: “Oo, siyempre.” | via Allan Ortega
