Hindi umano nababahala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbaba ng kanyang trust rating batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), ayon sa Malacañang nitong Miyerkules.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, patuloy na nagsisikap si Marcos para mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.
“Kitang-kita na si Pangulong Marcos Jr. ay tunay na nagtatrabaho at lumalaban sa korapsyon,” ani Castro.
Dagdag pa niya, bagama’t hindi pinagtutuunan ng Pangulo ang mga numero sa survey, masaya ito na nararamdaman ng mga mamamayan ang presensya at malasakit ng gobyerno.
Sa SWS survey na isinagawa noong Setyembre 24–30, bumaba sa 43% ang trust rating ni Marcos mula 48% noong Hunyo.
Bumaba rin ang tiwala kay Bise Presidente Sara Duterte sa 53%, mula 61% noong Hunyo. | via Allan Ortega
