Madagascar President Rajoelina tumakas sa gitna ng Gen Z protest

Tumakas palabas ng bansa si Madagascar President Andry Rajoelina matapos lumipat sa panig ng mga nagpoprotesta ang ilang unit ng militar.


Ayon sa oposisyon, umalis si Rajoelina noong Linggo sakay ng French military aircraft, matapos ang sunod-sunod na kilos-protesta laban sa korapsyon, kakulangan ng tubig at kuryente, at mahirap na pamumuno.


Sa isang Facebook address, kinumpirma ni Rajoelina na umalis siya para sa sariling kaligtasan ngunit giit niya, na hindi niya hahayaang masira ang Madagascar. Sinabi ng mga ulat na tumanggi siyang magbitiw sa puwesto at pinaniniwalaang nakipagkasundo kay French President Emmanuel Macron, bagaman hindi ito kinumpirma ng France.


Nag-ugat ang krisis nang bawiin ng CAPSAT, isang elite army unit na minsang sumuporta sa kanya noong 2009 coup, ang kanilang suporta at lumahok sa mga demonstrasyon. Sinundan ito ng paramilitary gendarmerie na nagtalaga pa ng bagong hepe.


Dahil sa pagkawala ni Rajoelina, itinalaga si Jean André Ndremanjary bilang pansamantalang Senate President, na siyang papalit kung tuluyang mabakante ang puwesto ng pangulo.


Umabot na sa 22 ang nasawi mula nang magsimula ang kilos-protesta noong Setyembre 25. Ayon sa mga kabataang raliyista, pagod na sila sa kahirapan at katiwalian, saad pa ng isa sa demonstrador “16 taon na silang nagpayaman, habang kami naghihirap,”


Sa huli, bago tumakas, nilagdaan pa ni Rajoelina ang pagpapatawad sa ilang bilanggo kabilang ang dalawang French nationals na dating nasangkot sa tangkang kudeta noong 2021. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *