Nagpaabot ng tulong ang Bureau of Customs (BOC) sa Office of Civil Defense (OCD) para sa mga biktima ng magnitude 6.9 lindol sa Cebu. Kabilang sa mga donasyong ibinigay ay 100 sako ng bigas, 56 rapid emergency tents, 1,087 iba’t ibang klase ng tent, at 50 solar power units.
Idinaos ang turnover sa Villamor Air Base sa Pasay City, kung saan agad na isinakay sa eroplano ang mga ayuda patungo sa mga apektadong lugar. Dumalo sa turnover sina OCD Administrator Usec. Harold Cabreros at BOC Commissioner Ariel Nepomuceno.
Nagpasalamat si Cabreros sa BOC sa kanilang tulong at binigyang-diin ang “whole-of-government approach” na itinataguyod ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtugon sa mga kalamidad.
Ayon sa BOC, ang mga donasyong ito ay mula sa mga kinumpiskang kalakal na kalauna’y ipinagkaloob sa pamahalaan at ginamit para sa disaster relief.
Sinabi naman ni Nepomuceno na bawat donasyon ay mahalaga, lalo na sa mga nawalan ng tahanan at kabuhayan, at hinikayat ang mabilis at maayos na paghahatid ng tulong.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang OCD sa iba’t ibang ahensya sa pangunguna ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. para sa tuloy-tuloy na operasyon ng pagtugon sa kalamidad. | via Allan Ortega
