Timbog ang isang empleyado ng lokal na pamahalaan matapos mahulihan ng shabu sa isang buy-bust operation sa Zamboanga Sibugay.
Sinalakay ng mga tauhan ng PDEA Zamboanga Sibugay Provincial Office, katuwang ang lokal na pulisya, ang Purok Mindanao sa Barangay Sta. Barbara, Imelda.
Target ng operasyon ang isang LGU employee na umano’y sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Nasabat sa suspek na si alyas Merjun, 44-anyos, drayber ng garbage truck ng LGU, ang limang gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P34,000. Kasama rin sa mga nakumpiska ang marked money, cellphone, at mga ID.
Agad na dinala sa kustodiya ng PDEA ang suspek na haharap sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Muling iginiit ng PDEA Region 9 ang kanilang paninindigang ipagpatuloy ang mas pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga para sa mas ligtas at drug-free na rehiyon. | via Ghazi Sarip
