Ipinadala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ilan sa kanilang doktor, nurse at medical personnel sa Bogo City, Cebu kasunod ng pagtama ng magnitude 6.9 na lindol sa lalawigan kagabi.
Sakay ng BRP Teresa Magbanua ang aabot sa 36 na doktor, nurse at medical personnel ng PCG mula sa Maynila patungong Bogo City sa Cebu upang tulungan ang mga lubhang apektado ng lindol.
Magpapadala rin ang Coast Guard District Southwestern Mindanao ng dalawang 44-meter vessels habang ang Coast Guard Northeastern Mindanao (CGDNEM) ay magpapadala ng isang 44-meter vessel para tumulong sa kasalukuyang naka-deploy na 44-meter vessel sa Coast Guard District Central Visayas.
Bukod dito, kabilang sa ipadadala sa Cebu ang karagdagang walong K9 units ng Coast Guard para sa nagpapatuloy na search, rescue at retrieval operations.
Kaninang umaga ay nagtungo na rin ang sa 7 tauhan at 6 K9 units sakay ng C-130 ng Philippine Air Force (PAF).
Mula naman sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental at Ormoc City, Leyte manggagaling ang tig-isang PCG search and rescue team.
Samantala, ipinag-utos naman ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang pagbibigay ng dalawang portable water desalinators sa Northern Cebu upang magsuplay ng malinis na inuming tubig sa mga ospital at evacuation centers na naapektuhan ng lindol.
Ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni DOTr acting Secretary Giovanni Lopez na palawigin ang humanitarian assistance at disaster response sa mga apektado ng sakuna. | via Alegria Galimba, D8TV News | Photo via PCG
#D8TVNews #D8TV
