Isinagawa ang deliberasyon nitong Lunes, September 22 para sa proposed 2026 National Budget ng Budget Amendments Review Sub-committee (BARSc) ng House Committee on Appropriations kasunod ng direktiba ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na gawing mas bukas ang paghimay ng Kamara sa proposed budget.
Pinangunahan ni House Committee on Appropriations Chairperson Rep. Mikaela Suansing ang talakayan, kung saan iginiit niyang tanging mga pormal at nakasulat na panukala ng mga ahensya ang tatanggapin ng BARSc para sa pag-amyenda ng pondo.
Sa naturang deliberasyon, tinalakay ang pondo para sa PhilHealth, DSWD, DOLE, DepEd, CHED, NFA, DICT, DOE at PCA.
Ang dagdag na budget ng mga ito ay magmumula sa P255.53 bilyon na tinapyas mula sa flood control funds ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kabilang sa mga napagkasunduang paglalaanan ay ang AICS program ng DSWD, TUPAD ng DOLE, at dagdag pondo para sa pasilidad ng DepEd, habang binigyan naman ng conditional approval ang panukalang dagdag para sa PhilHealth.
Sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Dy, iginiit ng Kamara na ang national budget para sa 2026 ay dapat maging transparent, malinis, at nakatuon sa tunay na pangangailangan ng mga Pilipino. | via Andrea Matias, D8TV News | Photo Courtesy of House of Representatives
#D8TVNews #D8TV
