Naglabas ng Court of Appeals (CA) ng freeze order laban sa 135 bank accounts at 27 insurance policies na konektado sa mga indibidwal at kompanyang sangkot umano sa maanomalyang flood control projects, ayon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) nitong Martes.
Resulta ito ng petisyong kanilang inihain kasunod ng hilingan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nauna nang naghain ng kaso ang DPWH sa Office of the Ombudsman laban sa ilang opisyal ng ahensya at limang contractor na idinadawit sa anomalya.
Matapos nito ay sumulat ang DPWH sa AMLC upang hilingin ang pagpapatupad ng freeze order.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, saklaw ng freeze order ang mga account ng lahat ng respondent sa kanilang unang reklamo sa Ombudsman.
Kabilang dito ang mga contractor na sina Sarah Discaya at Curlee Discaya ng St. Timothy Construction Corp., Mark Arevalo ng Wawao Builders, Sally Santos ng SYMS Construction Trading, at Robert Imperio ng IM Construction Corp.
Kasama ring napatawan ng freeze order ang mga dating opisyal ng ahensya na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee D. Mendoza na kilala sa bansag na “BGC” o “Bulacan Group of Contractors” Boys.
Dagdag pa ni Dizon, naabisuhan na rin ang mga bangkong naglalaman ng account ng mga respondent hinggil sa kautusan ng korte. | via Alegria Galimba, D8TV News | Photo via DPWH
#D8TVNews #D8TV
