Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Migrant Workers na magtatag ng bagong Migrant Workers Office upang masigurong protektado ang ating mga OFW.
Sa pagtitipon kasama ang higit 500 Pinoy sa Phnom Penh, iniutos ng Pangulo ang agarang pagtatayo ng opisina. Layunin nito umano na tugunan ang tumataas na kaso ng mga Pilipinong nabibiktima ng scam hubs sa Cambodia.




Ayon kay Ambassador Flerida Mayo, dumoble ang bilang ng mga kaso ngayong taon, at mahigit dalawampu ang nailigtas nitong Agosto lamang. Kaya naman agad na tiniyak ni DMW Secretary Hans Cacdac ang koordinasyon sa DFA at embahada para maisakatuparan ang direktiba.




Ang bagong MWO ay magsisilbing sandigan ng tinatayang 10,000 Pilipino sa Cambodia mula sa legal aid, welfare assistance, hanggang skills training at reintegration programs.
Pinasalamatan naman ng Pangulo ang mga OFW sa kanilang mahalagang ambag sa ekonomiya at relasyon ng Pilipinas at Cambodia. Kasalukuyang may 42 Migrant Workers Offices sa iba’t ibang bansa, at patuloy pang nadaragdagan bilang bahagi ng plano ng pamahalaan. | via Ghazi Sarip, D8TV News | Photo via PCO
#D8TVNews #D8TV
