Marcos: Walang Budget para sa Flood Control sa 2026

Walang bagong pondong ilalaan ang pamahalaan para sa mga flood control project sa panukalang pambansang badyet para sa 2026. Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isang panayam na ipinalabas nitong Lunes ng gabi.

Giit ng Pangulo, mayroon pang ₱350 bilyong hindi nagagamit mula sa kasalukuyang pondo ngayong taon at iyon muna ang gagamitin. Binigyan din niya ng dalawang linggo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang Department of Budget and Management (DBM) upang muling suriin at baguhin ang plano sa badyet ng DPWH matapos mabunyag ang mga kuwestiyonableng alokasyon sa mga pagdinig sa Kongreso.

Nilinaw ng Pangulo na magpapatuloy pa rin ang mga nasimulang proyekto, ngunit mahigpit nitong binalaan mga kontratista na sila ang sasagot kung hindi nila makumpleto o maayos ang proyekto.

Tinanggihan din ng Pangulo ang suhestiyon ng ilang mambabatas na ibalik sa Malacañang ang buong National Expenditure Program (NEP) para baguhin, at iginiit na tanging DPWH budget lamang ang muling isusulat ng Ehekutibo.

Ang kautusan ay bunsod ng mga paratang ng “ghost” flood control projects, na lalong nagpasidhi ng panawagan para sa mas mahigpit na pagbabantay sa paggasta ng pondo para sa imprastruktura.

Ipinaliwanag din ni Marcos na nagbitiw si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan bilang pananagutan sa kontrobersya ng mga maanomalyang proyekto. Sa kanyang BBM Podcast, ikinuwento ng Pangulo na si Bonoan mismo ang nagkusang bumaba sa puwesto dahil sa prinsipyo ng command responsibility.

Samantala, pinuri ni Marcos si bagong DPWH Secretary Vince Dizon, na aniya’y may sapat na propesyonalismo at kakayahan para ayusin ang kagawaran at magpatupad ng reporma. / via D8TV News Andres Bonifacio Jr

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *