SSS magtataas ng pension, walang taas-singil sa miyembro

Inanunsyo ng Social Security System (SSS) ang bagong pension reform program kung saan tataas ang buwanang pensyon ng mga pensionado sa loob ng tatlong taon simula Setyembre 2025.

Tataas ng 10% kada taon ang pensyon ng mga retirement at disability pensioners, habang 5% naman para sa survivor pensioners, base sa estado nila kada Agosto 31. Sa loob ng tatlong taon, aabot sa 33% ang total increase para sa retirement/disability at 16% sa survivor pensions.

Mahigit 3.8 milyong pensioners ang makikinabang, at inaasahang magpapasok ito ng P92.8 bilyon sa ekonomiya mula 2025 hanggang 2027.

Ayon kay SSS President Robert De Claro, matatag pa rin ang pondo, kahit paikliin ng apat na taon ang buhay ng pondo. Hindi kailangan ng dagdag-kontribusyon mula sa mga miyembro.

Layunin ng reporma na palakasin ang purchasing power ng pensioners sa gitna ng inflation at itaguyod ang halaga ng pagtatrabaho, pag-iimpok, at pag-asenso.

Sabi ni Finance Secretary Ralph Recto, malaking tulong ito sa ekonomiya dahil dadami ang gastusing kayang gawin ng mga pensioners, lalo na ang matatanda at mga may kapansanan. | via Allan Ortega | Photo via SSS/FB Page

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *