Pumanaw si Bruce McTavish, isang kilalang international boxing referee, nitong Miyerkules, alas-6:06 ng gabi, sa kanilang tahanan sa Angeles City. Kinumpirma ito ng anak niyang si Jean.
Isinilang noong Oktubre 11, 1940 sa Auckland, New Zealand, si McTavish ay may lahing Scottish at halos limang dekada nang naninirahan sa Pilipinas. Ikinasal siya kay Carmen Tayag mula sa kilalang angkan ng Tayag sa Pampanga.
Nakilala si McTavish sa larangan ng boxing, kung saan nakapamuno siya sa higit 150 title fights, kabilang na ang laban ni dating Senador Manny Pacquiao. Matapos ang mahabang panahon sa bansa, naging naturalisadong Pilipino siya noong 2018 sa tulong ni Senador Richard Gordon.
Ang kanyang burol ay gaganapin sa Divine Mercy Chapel, Carmenville Subdivision, Angeles City simula alas-2 ng hapon ng Huwebes. Nakatakda ang libing sa Linggo pagkatapos ng misa ng alas-7:30 ng umaga.
Paalam, Mr. McTavish, tunay kang naging Pilipino sa puso’t serbisyo. | via Allan Ortega