“Hindi po sinasara ng Pangulo ang pintuan sa Bise Presidente.”
Bukas pa rin ang Malacañang sa mga mungkahi mula kay Vice President Sara Duterte lalo na kung makatutulong ito sa taong bayan, ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro sa isang press briefing noong Huwebes, July 17.
“Welcome po kung ano man po ang suhestyon na makabuluhan magandang suhestyon na magmumula sa OVP. Hindi po ito tinatanggihan at hindi po sinasara ng Pangulo ang pintuan sa Bise Presidente,” saad ni Castro.
“Lahat naman po ng suhestyon na makabuluhan ay tatanggapin po ‘yan kung ito naman po ay makakatulong sa taong bayan,” dagdag pa niya.
Ayon din kay Castro, alam naman daw ng Bise Presidente ang “formula” upang mapababa ang presyo ng bigas ngunit ayaw itong ibahagi ni Duterte dahil ayaw niyang tulungan ang Pangulo.
“Tandaan po natin, mismong si Bise Presidente ang nagsabing siya raw po ay merong formula or alam para maipababa ang presyo ng bigas. Pero ayaw niya pong i-share sa gobyerno at sa administrasyon dahil ayaw nyang tulungan ang Pangulo,” saad niya. | via Florence Alfonso