Binigyang diin ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang kahalagahan ng isang “community driven development” approach at ang malaking gampanin ng mga local chief executives upang masugpo ang malnutrisyon sa bansa sa pamamagitan ng Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP).
Aniya, siya ay nagpapasalamat sa kontribusyon ng mga local government units (LGUs) at sa mga namumuno nito sa pagbibigay importansya sa kalusugan sa kanilang mga nasasakupan.
“Isang pasasalamat sa mga LCEs na ginawang prayoridad ang PMNP sa kanilang governance agenda,” ani Gatchalian sa PMNP National Mayor’s Forum 2025 at National Local Government (NLG) Executive Masterclass na ginanap sa Bonifacio Global City, Taguig City.
“Kayo ang rason bakit patuloy na umaandar ang PMNP at naniniwala kami na magiging matagumpay ang PMNP dahil sa inyo,” dagdag pa niya.
Layunin ng PMNP na tanggalin ang malnutrisyon at ayusin ang pangkalahatang estado ng kalusugan sa bansa, partikular sa mga bata at mga nanay.
“Sa programang ito kaya tinatawag na multisectoral, importante ang taya ng LCEs, ang taya ng LGUs, dahil kayo ang magiging vehicle tungo sa isang bansa na wala ng magugutom, wala ng malnourished at maysakit,” saad ng kalihim. | via Florence Alfonso