Nananawagan ang World Health Organization (WHO) sa mga pinuno ng mundo na unahin ang HIV prevention at makipagtulungan nang mas makabuluhan upang tuluyang wakasan ang AIDS.
Sa International AIDS Society conference sa Kigali, iginiit ni WHO Director-General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga gobyerno, siyentipiko, civil society, at mga apektadong komunidad para mapanatili ang mga tagumpay sa HIV treatment, prevention, at care services.
Binigyang-diin din ni Tedros ang pagkalito at pagkaantala sa serbisyong medikal dulot ng biglaang pagbawas ng pondo para sa HIV programs sa ilang bansa.
Inilunsad ng WHO ang bagong guidelines na inirerekomenda ang injectable na gamot na lenacapavir (LEN) bilang dagdag na opsyon sa HIV pre-exposure prophylaxis.
Isa itong long-acting antiretroviral na kailangan lang iturok dalawang beses kada taon—swak sa mga hirap sa araw-araw na gamutan o may kinahaharap na stigma.
Sa kabila ng mga gamot, aminado ang WHO na hindi sapat ang progreso—may 1.3 milyon pa ring bagong kaso ng HIV noong 2024, karamihan mula sa vulnerable groups gaya ng sex workers, MSM, transgender, at kabataang kulang sa access sa healthcare.
Panawagan ni Tedros: “May kakayahan tayong tapusin ang HIV, pero kailangan ng tunay na commitment, suporta sa siyensya, at pagtutulungan, hindi pulitika.”
Sa pagtatapos ng 2024, tinatayang 40.8 milyon ang nabubuhay na may HIV — 65% nito ay nasa Africa. | via Allan Ortega