Publiko, tumaas ang tiwala sa pangulo

Tumaas ang kumpiyansa ng publiko sa ilang pangunahing lider ng bansa.

Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), nagpakita ng pagtaas ng tiwala ang mga mamamayan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Vice President Sara Duterte, at iba pang matataas na opisyal.

Batay sa survey na kinomisyon ng Stratbase Group, mula sa 38% noong Mayo, pumalo sa 48% ang nagsabing may “much trust” sila sa Pangulo ngayong Hunyo. Isang makabuluhang 10% pagtaas na indikasyong muling lumalakas ang suporta sa kanyang administrasyon. Samantala, 30% pa rin ang may “little trust” habang 21% ang nananatiling undecided.

Hindi lang si Pangulong Marcos ang nakitaan ng pagtaas ng tiwala. Si Bise Presidente Sara Duterte ay nagtala rin ng 1% pag-angat, mula 60% noong Mayo ay naging 61% nitong Hunyo. Ang may “little trust” sa kanya ay nasa 23%, habang 14% ang hindi pa tiyak sa kanilang pananaw.

Pati si Senate President Francis Escudero ay nakinabang din sa magandang resulta.

Mula sa 47% ay umakyat sa 55% ang mga nagsabing may malaking tiwala sila sa kanya. Sa kabilang banda, 23% ang may maliit na tiwala at 21% ang undecided. Si Speaker Martin Romualdez ay nagtala rin ng pagtaas mula 26% ay naging 34% ang may “much trust” sa kanya.

Ipinapakita ng survey na bagamat may pagtaas ng tiwala sa mga lider ng bansa, nananatili pa rin ang hatian ng opinyon ng publiko lalo na’t may mga porsyento pa ring may “little trust” at hindi pa sigurado.

Ang survey ay isinagawa mula Hunyo 25 hanggang 29, sa 1,200 kataong may sapat na gulang mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. May ±3% margin of error ang naturang pag-aaral.

Mahalagang bantayan kung paano mapapangalagaan ng mga opisyal na ito ang tiwalang ipinagkaloob sa kanil lalo’t kasabay nito ang hamon na mapanagot sa serbisyo ang pamahalaan. Sa dulo, ang tiwala ng mamamayan ang tunay na lakas ng isang lider. | via Ghazi Sarip

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *