Patuloy ang “digitalization” program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang frontline services, sanhi upang mapadali at mas mapabilis ang serbisyo sa publiko.
Ani Asst. Secretary for Information and Communications Technology (ICT) and Chief Information Officer (CIO) Johannes Paulus Acuna, layunin ng programa na tanggalin ang lost income ng publiko dahilan ng paghihintay sa serbisyo ng ahensya.
“Kung sila po ay pumipila at naghihintay ng isang araw para po makuha ang serbisyo, iyon po ay tinatawag na may opportunity cost sa ating kliyente. Sila po ay mag-aabsent sa kanilang trabaho, iyong iba po sa kanila arawan ang sweldo. Basically, lost income po yun,” ayon kay Acuna.
“So, kung meron po tayong digital service at meron pong kakayahan ang ating mga kliyente para gumamit po ng technology for the service, at their own convenience po magagamit na po nila ang ating DSWD digital service,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa DSWD CIO, malaking tulong ang inisyatibang ito dahil hindi na kailangan pang lumiban sa trabaho ang mga tao at iba pang gawain para lamang kumuha ng serbisyo sa ahensya.
Kabilang sa mga “digitalized platform” ng DSWD ay ang Harmonized Electronic License and Permit System (HELPS), Minors Traveling Abroad (MTA) Online System, at ang Kaagapay Donations Portal na binuksan noong Pebrero.
Sa kasalukuyan, patuloy na gumagawa ng hakbang ang DSWD upang mapabilang sa “digitalized platforms” ang iba pang serbisyo tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) online system, PhilSys E-Verify Tool, Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Information System Reengineering, atbp. | via Florence Alfonso