MARILAO, BULACAN — Pormal nang nanumpa sa tungkulin si Mayor Jem Sy bilang kauna-unahang babaeng alkalde ng Marilao, kasabay ng pagsisimula ng bagong yugto sa kasaysayan ng bayan.
Bukod sa pagiging unang babaeng mayor, si Mayor Sy rin ang pinakabatang nahalal na alkalde ng Marilao, matapos ang kanyang landslide victory sa nagdaang halalan.
Isa sa mga tampok ng panunumpa ay ang makasaysayang parada kung saan si Mayor Sy ay nakasakay sa isang karosa, sinalubong ng masigabong palakpakan at mainit na suporta mula sa mga mamamayan — isang tanawing sinabayan ng pagdiriwang at pag-asa para sa bagong liderato.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Sy ang pagtataguyod ng good governance, kaayusan, at kapayapaan sa kanyang pamumuno. Tumatak din ang kanyang pahayag na “Bawal ang nakasimangot sa munisipyo,” na aniya’y sumasalamin sa layunin ng isang mas masayahin, bukas, at maagap na lokal na pamahalaan.
Nanawagan din ang bagong alkalde ng pagkakaisa sa gitna ng magkakaibang kulay ng politika, at iginiit na ang tunay na laban ay para sa kapakanan ng bayan, hindi para sa interes ng iilan.
Simula pa lamang ito ng panibagong kabanata para sa Marilao sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Jem Sy — isang batang lider na may malinaw na bisyon para sa pagbabago.
#D8TVNews #D8TV
