Ipagbabawal ng bagong Gobernador ng Basilan ang paggamit ng kanyang pangalan at larawan sa kahit anong proyekto ng gobyerno sa buong probinsya.
Binigyang diin ni Gobernador Mujiv Hataman ang kahalagahan ng maayos na pamamalakad at respeto sa pampublikong pondo sa kanyang inaugural speech nitong Lunes, June 30.
“Iaatas ko, sa pamamagitan ng isang Executive Order, ang pagbabawal ng paggamit ng aking mukha sa mga tarp o materyal na may kaugnay sa proyektong pampamahalaan,” saad niya.
Dagdag pa ni Hataman, hindi sa kanya galing ang pera para sa mga proyekto sa Basilan, kundi sa taumbayan, dahilan upang tanggalin ang kanyang pangalan sa mga ito.
“Dahil ang bawat tulay at kalsada, bawat kalsada at programa, ay hindi galing sa akin. Pera ito ng taumbayan, buwis ng taumbayan, pangarap ng taumbayan na isasakongkreto natin– kaya ang dapat nakalagay, hindi ‘Proyekto ni Mujiv,’ kundi ‘Proyekto ng mga Mamamayan ng Basilan,” ayon sa Gobernador. Ι via Florence Alfonso | Photo via Provincial Government of Basilan
#D8TVNews #D8TV