Ipinataw ng Tsina ang parusa kay dating Senador Francis Tolentino nitong Martes dahil umano sa mga “anti-China” nitong hakbang, kabilang na ang pagsusulong ng mga batas na nagtutukoy sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Ayon sa Ministry of Foreign Affairs ng Tsina, hindi na pinapayagang makapasok si Tolentino sa mainland China, Hong Kong, at Macau.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Tolentino na karangalan ang ma-sanction at ipinangakong ipagpapatuloy ang laban para sa karapatan ng bansa. Kabilang sa kanyang mga panukala ang Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act—mga batas na muling nagpapatibay sa karagatan ng Pilipinas at mga yaman dito.
Mariing tinutulan ng Tsina ang mga batas na ito at pinagdudahan ang pagiging lehitimo ng mga ito. Isinawalat din ni Tolentino noon ang umano’y plano ng China na makialam sa eleksyon sa Pilipinas, at nagsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa espiya mula sa China habang siya’y nasa Senado.
Tuloy-tuloy ang tensyon sa West Philippine Sea sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, kabilang na ang insidente ng water cannon at sagupaan ng coast guard. | via Allan Ortega | Photo via msn
#D8TVNews #D8TV
