Tinututukan ngayon ng Department of Transportation (DOTr) ang kinalaman ng mga airport police sa mga mapansamantalang taxi driver sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa press briefing sa Malacañang noong Huwebes, June 26, sinabi ni DOTr Sec. Vince Dizon na inatasan niya si Office of Transportation Security (OTS) Gen. Arthur Bisnar sa tulong ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Ines na pangunahan ang pag-iimbestiga sa umano’y sabwatan sa pagitan ng mga airport police at taxi dahil sa sobrang paniningil ng pamasahe ng mga ito sa kanilang pasahero.
Noong nakaraang linggo ay mayroon nang 11 taxi na nahuli ng DOTr.
Bukod dito, nabuking din ng ahensya na paso at maling prangkisa ang ginagamit ng mga nag-o-operate na taxi.
Tiniyak naman ni Dizon na kanila nang sinuspinde ang prangkisa ng mga operator maging ang lisensya ng mga taxi driver. | Photo Screengrab from RTVM
#D8TVNews #D8TV