Dumating na sa bansa nitong Martes ng gabi ang unang batch ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na na-repatriate mula sa Gitnang Silangan sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.
Lulan ng Qatar Airways flight QR 934, 31 OFWs ang umuwi—26 mula Israel, 3 sa Jordan, at tig-isa mula Palestine at Qatar. Na-delay ang dating nila dahil pansamantalang isinara ang airspace ng Qatar matapos ang missile strike ng Iran sa isang US base sa Doha.
Pinangunahan nina DMW Secretary Hans Cacdac at Asec. Venecio Legaspi ang repatriation mission. Lahat ng OFWs ay binigyan ng tig-₱150,000 ayuda mula DMW at OWWA, at sinigurong may transportasyon, pansamantalang matutuluyan, at suporta mula DOH, DSWD, TESDA, at DFA.
May susunod pang 50 OFWs na inaasahang darating ngayong linggo. Sa mahigit 30,000 OFWs sa Israel, 311 na ang humiling ng repatriation. Nanawagan ang gobyerno sa iba pang nais umuwi na makipag-ugnayan. | via Lorencris Siarez | Photo Courtesy of DMW
#D8TVNews #D8TV