Isang 59 years old na housewife ang nag-iisang nanalo sa P314.591-milyong jackpot ng Ultra Lotto 6/58 noong Enero 5.
Dumating siya sa opisina ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Mandaluyong noong Pebrero 5 upang kunin ang kanyang premyo. Binili niya ang kanyang tiket sa lotto sa isang mall sa Mandaluyong gamit ang lucky pick system, at napanalunan niya ang kombinasyong 36-46-16-19-23-27.
Ayon sa kanya, habang nagwi-window shopping kasama ang mga kamag-anak, napadaan sila sa isang lotto outlet at biglaang nagdesisyong tumaya. Limang taon na siyang regular na mananaya at balak niyang gamitin ang pera para sa investment at pagtulong sa pamilya.
Nagpaalala rin siya sa iba na subukang tumaya kung may budget, dahil posible talagang suwertehin, at aniya, nakakatulong din ito sa kawanggawa.
Ayon sa PCSO, ang jackpot winners ay kailangang magpakita ng orihinal at pirmadong tiket kasama ng dalawang valid ID upang makuha ang premyo. Dahil sa TRAIN Law, may 20% na buwis ang mga panalong higit sa P10,000. May isang taon ang mga nanalo para kunin ang premyo bago ito mapunta sa mga charitable programs ng PCSO. – via Allan Ortega
Housewife nanalo ng ₱314.5 milyon sa lotto
