Pilipinas, Nagpahayag ng Pag-aalala sa Gitnang Silangan; Panawagan ng Diplomasya at Pag-iingat

Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang Pilipinas sa patuloy na umiinit na tensyon sa Gitnang Silangan, partikular na sa pagitan ng Iran, Israel, at Estados Unidos. Sa harap ng lumalalang sitwasyon, nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa paggamit ng diplomasya upang maiwasan ang digmaan.

Ayon sa DFA, ang mga kaganapan sa rehiyon sa mga nakalipas na oras ay labis na ikinababahala ng pamahalaan. Binigyang-diin ng kagawaran na ang anumang paglala ng tensyon ay maaaring magbunsod sa matinding panganib hindi lamang sa rehiyon kundi pati na rin sa kapayapaan at seguridad ng mga karatig-bansa.

Malinaw ang posisyon ng Pilipinas, ang mapanatili ang katahimikan sa Gitnang Silangan at maiwasan ang kaguluhan. Nanawagan ito sa mga sangkot na bansa na iwasan ang karahasan at mag-usap nang may diplomasya bilang solusyon sa krisis.

Sa gitna ng tensyon, tiniyak ng DFA na nananatiling prayoridad ng gobyerno ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan. Nakahanda ang mga embahada ng Pilipinas sa rehiyon upang tumulong sa mga kababayan nating apektado ng kaguluhan.

Tinatayang nasa 2.2 milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa Gitnang Silangan, kabilang ang humigit-kumulang 30,000 sa Israel at 1,180 sa Iran. Karamihan sa kanila ay nagtatrabaho bilang caregivers, domestic helpers, at ilan ay may mga pamilyang Iranian. Sa kasalukuyan, nakataas na ang Alert Level 3 sa Israel at Iran, na nangangahulugang maaaring umuwi.

Kasabay ng mga panawagan ng Pilipinas para sa kapayapaan, patuloy na lumalala ang tensyon sa rehiyon. Kamakailan lamang ay nagsagawa ng airstrike ang Estados Unidos laban sa mga nukleyar na pasilidad ng Iran, dahilan ng higit pang nagpainit sa alitan. Babala naman nii US President Donald Trump na masusundan pa ang pag-atake kung hindi hihinto ang Iran.

Tumugon naman ang Iran na ito ay isang malinaw na anyo ng karahasan laban sa kanilang bansa, at inihayag nitong handa silang gamitin ang lahat ng meron sila upang ipagtanggol ang kanilang bayan. Samantala, nagpapatuloy pa rin ang palitan ng mga pag-atake sa pagitan ng Israel at Iran sa ikalawang linggo ng labanan.

Sa kabila ng kaguluhan, nananatiling matatag ang panawagan ng Pilipinas na tanging diplomasya lamang ang susi tungo sa kapayapaan, hindi lamang para sa rehiyon kundi maging para sa seguridad ng mga Pilipino doon. | via Ghazi Sarip | Photo via PNA

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *